kalikasan, poem-about-nature

Ozzias T. Villaver Jr., Ed. D. | BravoFilipino

Saksi ng Langit at mga diwata ng kapaligiran

Ang nasisirang hugis ng hinahangaang kalikasan,

Mga puno’y binabantayan ng iba’t-ibang nilalang

Mga maamong ibo’t hayop, sa kanya’y tahanan

 

Di mapipigilan ang pagbabago niyang kaawaawang hugis

Sa bawat bagwis ng hangin habagat at lintik ng amihan gumigiris,

Mga nilalang sumisigaw ng habag sa kapaligiran ng kabundukan,

Sa kapatagan, karagata’t kagubata’y sumasamo sa kaligtasan.

 

O kalikasan, ano’ng nangyayari sa dati mong kapangyarihan,

Kagandahan mong sinasamba’t hinahangaan ng mga nilalang…

Sariwang hangin, saganang tubig, malamig na simoy nakakamtan…

Ngayo’y unting napapara’ng saysay mong ‘pinaubaya sa sangkatauhan.

 

Ang lupang mataba, ang linaw ng tubig, ang ganda ng dagat at bundok,

Ang gandang tanawin sa lambak, ang awit ng mga ibon sa mga dahon,

Ang sarap ng tubig sa batis, ang tamis ng mga bunga sa halamang masagana,

Ngayo’y unting nababago’t nasisira na di kalaona’y mangangalit si Amang Bathala.

 

Ang dating luntiang bundok napapatag ng mga progresibong teknolohiya;

Ang malinis na atmospera ngayo’y binabalot ng mga kahindik-hindik na kemika;

Ang dating bumubulwak na linaw-inuming tubig ngayo’y mabilis ng humihina;

At ang makukulay na flora’t fauna’ saganang isda’y bihira na silang nakikita.

 

Ang makulay at ganda ng kalikasan ay sukdulang hatid ang kalusugan

Sa mga humahanap ng katahimika’t kasaganahan sa buhay at pangarap;

Mga higanteng puno na dati’y sampung tao ang dumidipa’t sumisipol

Ngayon di na naaninag dahil inilibing ng mga makinang walang awang pumutol.

 

Kaya, sa nasaksihan ng mga iba’t ibang lahi ng sangkatauhan,

Hindi na mawari ang mga tanawin kahindik-hindik sa kapaligiran,

Ang hindi na mabilang na mga nilamon ng dagat, nalunod sa ngalit ng ilog;

At ang hindi masukat na bilis at taas ng baha sa mga lalawiga’t kalunsuran.

 

Kaya, ang kalikasa’y minsan may babala subalit paghumagupit walang awa

Lalo na sa mga taong nagsasamantala sa kanyang kabutiha’t kagandahan

Na siyang taglay ang laking paglaho sa tanawin malalang kinalbong bundok,

Nilasong himpapawid ng kemika, salasalang basura sa dagat, estero, lawa’t ilog.

 

Kaya, wari ng marami, darating yaon tinding hagupit ng mapagbigay na kalikasan,

Hahayaan nito ang lupit sa mga walang puso’t isip, na sila rin sanhi ng kanilang kapahamakan,

Ikakalat nito ang tinding iba’t ibang sakit, yaong pait ng luha sa iba’t-ibang kagipita’t kahirapan,

At walang humpay nitong isusumpa ang mga siyentipiko na sumira sa gandang anyo ng KALIKASAN.