Kababaihan ng Maynila cover

Maynila, Pilipinas | John David Dacut, Correspondent | Buhay Party List  Lumahok sa Pagdiwang ng Ika-37 na Anibersaryo ng Kababaihan ng Maynila (KNM) | Iba-ibang representante at lider ng mga distrito ng Maynila ng mga kababaihan ang dumalo sa isang malaking online na pagdiwang ika-37 na anibersaryo ng KNM. Pinangunahan ng Buhay Party-List ang selebrasyon na ito bilang pagtangkilik sa suporta ng mga kababaihan at organisasyon na itinayo ni Deputy Speaker Cong. Lito Atienza sa tulong ng maybahay niyang si Gng. Beng Atienza noong dekada otsenta.

Ang pagdiriwang ay pinagunahan ni Grace Oconer bilang host ng kaganapan na siyang naitanghal online sa Zoom at Facebook Live. Maraming pagtatanghal din ang napanood ng mga taga-KNM bukod sa mga palaro at papremyo na napanood mula sa Facebook Page at Group ng Buhay Party-list.

Ipinagdiwang sa virtual na kaganapan ng KNM ang mga kababaihan na siyang sandigan ng buhay. Nanguna sa pasinaya ang isang sayaw mula sa Hiyas ng Pilipinas Dance Company, na isa ding organisasyong itinaguyod ni Cong. Atienza na naglalayong iangat ang galing ng kabataan sa larangan ng pagsayaw. Nagtampok din ng isang paharanang pagkanta ang dalawang representante ng Missionary Families of Christ na sina Jo-I Villas at Elbert Eliporda.

Nagparamdam din ang bawat distrito na kinabibilangan ng Kababaihan ng Maynila sa pamamagitan ng kanilang pagkaway, palakpak at reaksyon online mula sa Zoom at Facebook Live. Nagpa-raffle din ng iba’t-ibang papremyo sa mga nakilahok sa selebrasyon. Meron ding selfie contest at online kontest na “Best Buhay Dance Tiktok Competition”na inihanda upang mas maging kasiya-siya ang selebrasyon.

kababaihan ng maynila
Nagpahatid ng mensahe si Deputy Speaker Lito Atienza at Gng. Beng Atienza sa KNM

Nagpahatid din ng personal na mensahe si Deputy Speaker Atienza tungkol sa halaga ng pagmamahal sa kapwa at sa Diyos ang itinutulak, na kaparehong adhikain din ng Buhay Party List na kanya ding itinayo. Ang mensahe naman ni Gng. Beng Atienza ay puno ng pasasalamat sa Diyos at sa mga tumangkilik at sa nagtaguyod ng Kababaihan ng Maynila. Nagpasalamat din si Gng. Atienza sa pagmamahal at katapatan ng mga miyembro lalu na sa pagsuporta nila sa bawat adhikain at pati na din pagsabak sa pulitika.

von veldepenas buhay party list
Nagpahatid ng kanyang mensahe sa KNM si Buhay Party List first nominee Von Valdepeñas

Bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-37 na anibersaryo ng Kababaihan ng Maynila, nagpahatid ng mensahe ang kasalukuyang pangunahing nominado ng Buhay Party List na si Von Valdepeñas. Ipinahayag ni Valdepeñas ang pasasalamat ng Buhay sa KNM dahil sa pakikiisa nito sa mga pangunahing adhikain ng naturang party list gaya ng kahalagahan ng pag-angat ng antas ng mga kababaihan sa lipunan.

Ilan sa pinagkakakitaan ng mga KNM members ay ang bayong crochet (Imahe mula sa KNM Facebook Group)

Ang Kababaihan ng Maynila ay itinayo noong ika-4 ng Disyembre 1984 at naging tampok na organisasyong nagpakita ng tagumpay ng lungsod sa pamamagitan ng tagumpay ng mga kababaihan nito. Si Deputy Speaker Atienza ang unang naging president ng KNM. Ang Buhay Party-List naman ay siyang naging kaakibat ng KNM sa lahat ng mga proyekto nito na nagbigay suporta sa iba’t-ibang larangan gaya ng kabuhayan. Dahil na din ito sa kagustuhan ng Buhay Party List na yumabong ang buhay at kabuhayan ng mga kababaihan ng Maynila.