Bravo Filipino | Shariff Kabunsuan Festival Pormal na Binuksan | Pormal nang binuksan ngayong araw ang selebrasyon ng Shariff Kabunsuan Festival para sa taong 2022 na may temang: “One Heritage, One Culture, Endless Possibilities”, na ginanap sa Cotabato State University (CotSU) Grandstand, Sinsuat Avenue, Cotabato City.
Sa mensaheng ipinaabot ni Cotabato City Mayor Para sa Lahat Mohammad Ali “Bruce” Dela Cruz Matabalao, ibinahagi nito na bago pa man siyang maupong alkalde ng lungsod, inaasam niya ang magandang ugnayan at kolaborasyon ng pamahalaang lungsod at Bangsamoro sa mga ganitong klaseng selebrasyon.
“Sa totoo lang po, before I became City Mayor of Cotabato, I have been very hopeful to see two governments work together hand in hand to celebrate our identity and our heritage that co-existed peacefully, economically, political and even culturally with our highlander neighbours”.
Sa mensaheng hatid naman ni Vice Mayor Butch Abu, ipinagmalaki nito na ang selebrasyon ng Shariff Kabunsuan Festival ay ipinagdiriwang ng hindi lamang ng mga Muslim, kundi maging ang mga Kristiyano at Lumad.
Naging sentro naman ng pagbubukas ng Shariff Kabunsuan Festival ang makulay at magarbong “Kuyog” Showcase Competition na dinaluhan ng iba’t ibang kalahok mula sa iba’t ibang lugar sa Mindanao.
Nasungkit naman ng contender mula sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte ang 2nd runner-up at nakatanggap ng Php 150,000, 1st runner-up naman ang Isulan, Sultan Kudarat Province at nakatanggap ng Php 250,000, at itinanghal na kampeon ang Tulunan, North Cotabato at nag-uwi ng Php 350,000.
Ang mga hindi naman pinalad na maguuwi ng consolation prize na nagkakahalaga ng Php 50,000.Kasabay ng nasabing selebrasyon, isa rin sa mga magandang balita na inihatid ni Mayor Matabalao ay ang napirmahan nitong infrastracture projects mula sa Ministry of Interior ang Local Government (MILG-BARMM).
Kasabay ng limang araw na selebrasyon ng Shariff Kabunsuan Festival 2022 na nagsimula ngayong araw, binuksan na ang Agri Trade Fair sa Cotabato City Plaza.
“Ganito kaganda ang selebrasyon ng Shariff Kabunsuan dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay nagkaroon ng kolaborasyon ang City Government at Bangsamoro Government” ito ang naging mensahe ni Mayor Para sa Lahat Bruce Matabalao.
Layunin nitong ibida ang mga negosyo at produktong ipinagmamalaki nang hindi lamang sa Lungsod ng Cotabato, kundi maging ng Bangsamoro region. Ibinida rito ng Ministry of Agriculture, Fisheries and Agrarian Reform (MFAR) ang mga delicacies mula sa ibat ibang sulok ng BARMM. Nakilahok rin ang Ministry of Trade, Investment and Tourism (MTIT) at Negosyo Center Cotabato City sa pagbibida ng mga produkto sa nasabing event.
Kasama rin dito ang mga produkto ng ibat ibang kooperatiba tulad ng mga bag na yari sa inaul, herbal medicines, gulay at prutas mula sa local farms at marami pang iba.
Kasama sa pormal na pagbubukas ng mga aktibidad para sa selebrasyon ng Shariff Kabunsuan Festival 2022, binuksan rin sa publiko ang SK Bazaar. Masasarap na pagkain, kasuotan at marami pang ibang produkto ang inyong pagpipilian sa SK Bazaar.
Kaya inaanyayahan ang lahat na bumisita sa SK Bazaar na matatagpuan sa ground floor ng Citymall of Cotabato. Magtatagal ito mula December 15-21, 2022.
Naisakatuparan ang magarbo at makulay na selebrasyon ng SK Fest 2022 sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng lungsod at Bangsamoro Government.