'Huwag tayong matakot sa pagbabago' - Honasan, Para sa Economic Cha-Cha
Bravo Filipino | Sa deliberasyon ng Komite ng Buong Kapulungan ng House sa Resolution of Both Houses No. 7, ipinahayag ni dating ex-Senador na sina Gregorio “Gringo” Honasan at dating DFA Secretary Margarito Teves, kasama ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pangunguna ni Usec. Jesus Domingo, ang kanilang suporta sa economic Charter change (Cha-cha).
Ayon kay Honasan, panahon na upang baguhin ang Saligang Batas dahil ang pag-alis ng mga probisyong pang-ekonomiya nito ay magbibigay ng malaking ambag sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.
Pinunto ni Honasan na mahirap ang sitwasyon ng mga Pilipino kung mananatili tayong sarado sa mga dayuhang mamumuhunan.
Kasama sina Honasan, Teves, at DFA Undersecretary Jesus Domingo sa mga resource person sa ika-anim na araw ng pagdinig ng Committee of the Whole House of Representatives sa RBH No. 7.
“Panahon na upang baguhin ang ating Saligang Batas. Huwag tayong matakot sa pagbabago,” sabi ni Honasan.
Sinabi niya na ang pag-alis ng mahigpit na probisyon ng Saligang Batas tungkol sa dayuhang pagmamay-ari ay makatutulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa.
Kinakailangan na ang ating Saligang Batas ay sumabay sa mabilis na pagbabago sa usapin ng heopolitika, ekonomiya, at teknolohiya.
Sinabi rin ni Honasan na ang mga economic amendments, kasabay ng mga polisiyang reporma, ay magtutulak sa Pilipinas upang makasabay sa mga karatig-bansa sa paghikayat ng mga dayuhang mamumuhunan.
Ipinaliwanag naman ni Teves na ang mga limitasyon sa ating konstitusyon ay hindi kasama sa mga batayang batas ng ibang mga bansa sa ASEAN tulad ng Singapore at Malaysia, kaya’t mas malaki ang natatanggap nilang foreign direct investments.
Idinagdag pa ni Teves na ang pagtatayo ng mga manufacturing plants ng mga dayuhan sa mga rural communities ay tiyak na magbibigay ng trabaho at kabuhayan sa mga mamamayan at magiging daan rin ito sa pagpapalakas ng ekonomiya sa bawat rehiyon.
Pinuri rin ni DFA Undersecretary Jesus Domingo ang Singapore na unti-unting nagbukas ng kanilang ekonomiya sa dayuhang pamumuhunan mula 1965 hanggang 1990s.
“Kawawa ang Pilipino kung mananatili tayong sarado (sa mga dayuhang mamumuhunan),” diin ni Honasan.
Bilang isang dating kalihim ng information and communications technology, partikular na sinusuportahan ni Honasan ang pagbubukas ng public utilities tulad ng telecommunications sa full foreign ownership.
Aminado siya na bilang isang retiradong opisyal ng militar, may alinlangan siya sa banta ng 100% foreign ownership ng mga telco sa pambansang seguridad.
Ngunit matutugunan ito sa pamamagitan ng pagdagdag ng mga salitang “unless otherwise provided by law,” upang bigyan ng kapangyarihan ang Kongreso na magtakda ng mga kondisyon sa pagpasok ng dayuhang kapital.
“Puwede tayong gumawa ng batas na magtatakda kung ano ang maaaring gawin at hindi maaaring gawin ng mga dayuhang mamumuhunan, kung saan ang hangganan ng kanilang pribilehiyo,” ani Honasan.
Ang pangunahing layunin ng pagbabago sa Konstitusyon ay tulungan ang mga Pilipino na makaahon mula sa kahirapan, dagdag ng dating Senador.
