Bravo Filipino | Pahayag ni Dra. Minguita Padilla ng BHW Party List ukol sa Zero Budget ng Philhealth sa 2025 | Alam ko na New Year at dapat “Happy New Year” ang isusulat ko dito. Pero napakahalaga nitong isyu ng budget. Lalong-lalo na ang issue ng Philhealth. Hindi puwedeng palampasin.
Totoo ang sinasabi ng mga spokespersons ni PBBM na wala siyang kapangyarihan i-veto ang zero budget ng Philhealth. Hindi niya mai-veveto ang walang laman. Pero sana ibinalik niya sa Bicam itong budget noong maaga pa, noong natanggap palang niya ang budget na puno ng kuwestionableng mga probisyon na tila walang puso para sa bayan. Sana hinagis niya pabalik ang budget na ito para maiwasto ng bicam ang kanilang napakalaking pagkakasala sa taong bayan. Sayang na sayang. Napakalungkot din na tila mali ang mga payo na natatanggap ng Presidente tungkol sa tunay na situasyon ng pera ng Philhealth.
Hindi po totoo na sapat ang pera ng Philhealth para matustusan nang sapat ang mga pangangailangan sa kalusugan ng taongbayan. Hawak na po nang marami ang audited financial statement na nasa website mismo ng Philhealth na https://www.philhealth.gov.ph/about_us/transparency/accomplishment_report/2023AuditedFS.pdf .
Nakasaad dito na may Insurance Contract Liabilities (ICL) ang Philhealth na umaagot sa mahigit 1.2 trillion pesos. Ito yung mga hindi pa nababayaran o kailangan pang bayaran ng Philhealth para matupad ang kanilang mandato para sa kalusugang pangkalahatan.
Mga Utang ito. Isinama dito ang pinagyayabang nilang “konsulta package” na sabi nila mga P1700.00 bawat tao, na talagang napakahalaga para matupad ang hangarin ng UHC Act (Universal Healthcare Act); yung maagapan ang paglala ng saikit sa pamamagitan ng 1 libreng out-patient check-up kada taon, kasama na ang mga libreng test at 32 klaseng “essential” na gamot.
Kung walang pondo para dito at itinambak nalang sa ‘utang’, kasama ng mga utang sa mga ospital at iba pa; paano masasabing sobra ang pera ng Philhealth at kaya niya mag deliver ng sapat na serbisyo? Sa totoo lang, kung i-minus ang tinatawag na ‘surplus fund’ ng Philhealth doon sa ICL, mahigit 629 billion pesos ang deficit o kakulangan ng per ng Philhealth. In short, nasasabi lang ng Philhealth na may sobra sila dahil hindi nila tinutupad ang mga dapat nilang gawin. Kulang na kulang ang mga reimbursement sa nakararaming sakit. Iba naman ay sobra. Tila walang Sistema o sapat na pag-aaral ang pagtalaga ng mga reimbursement.
Hindi ko sinasabing walang problema ang Philhealth. Napakadami nilang problema. Matagal ko nang inuulit-ulit, pati sa media, ang mga repormang kailanang gawin sa loob ng Philhealth. Ang nakararaming empleyado ng Philhealth ay mahuhusay at tapat. Ngunit may mga iilan sa matataas na posisyon na talagang abusado at tiwali. Sila ang dapat panagutin. Hindi taongbayan ang dapat parusahan.
Nagtataka ang marami: wala bang nagpapaliwanag sa Presidente ng ganitong mga bagay?
—
Si Dra. Minguita Padilla ay may adbokasiya ng Reporma ng Philhealth sa ilalim ng BHW Party List
