Bravo Filipino | Administrasyong PBBM , Dinala ang YAKAP Caravan sa Region III | BALER, AURORA, Setyembre 1, 2025 – Para matiyak na malusog—pisikal at mental—ang mga paaralan at komunidad, pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at Kalihim ng Edukasyon Sonny Angara ang Yaman ng Kalusugan (YAKAP) Caravan ngayong araw sa Aurora National High School.
Ang caravan ay bahagi ng CLASS+ (Clinics for Learners’ Access to School-health Services Plus), programa ng Department of Education (DepEd) at PhilHealth na nag-uugnay sa mga clinic ng paaralan at lokal na health system. Ipinatutupad ito sa ilalim ng PhilHealth Konsulta, ang pangunahing serbisyong pangkalusugan na nagbibigay ng libreng konsultasyon, laboratory tests, at gamot.
Pinalawak at pinalakas na ngayon ng PhilHealth ang Konsulta bilang bagong YAKAP Program. Layunin nitong alagaan ang kalusugan ng lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng libreng check-up, laboratory tests, cancer screening, at gamot. Bawat miyembro ay may benepisyong hanggang ₱20,000 halaga ng gamot bawat taon.
Sa caravan sa Aurora, mahigit 200 estudyante sa elementarya ang sumailalim sa libreng eye check-up. Samantala, higit 350 guro, non-teaching staff, at high school students ang nakinabang sa iba’t ibang medical services gaya ng X-ray, ECG, urinalysis, at ultrasound.
Ang aktibidad na ito ay kasunod ng matagumpay na caravan sa Esteban Abada Elementary School sa Quezon City noong Hunyo 18, 2025, na dinaluhan nina Secretary Angara, Health Secretary Ted Herbosa, at Mayor Joy Belmonte. Sa tulong ng 1Life Philippines at pakikipag-ugnayan ng DepEd, DOH, PhilHealth, at mga LGU, naihatid ang mga serbisyong medikal para sa mga estudyante, guro, at kawani. Target ng DepEd na palawakin pa ang caravan at CLASS+ program sa iba pang rehiyon.
Binigyang-diin ni Secretary Angara ang kahalagahan ng pagtutulungan para sa kalusugan sa paaralan:
“Ang kalusugan ng ating school communities ang pundasyon ng de-kalidad na edukasyon. Sa pamamagitan ng CLASS+ at YAKAP, sinisiguro nating may lakas at sigla ang DepEd family para maabot ang ating mga kolektibong layunin,” aniya.
Samantala, binigyang-diin ni Pangulong Bongbong Marcos na ang mga programang tulad ng CLASS+ at YAKAP ay patunay ng “whole-of-nation approach” ng kanyang administrasyon. Sa tulong ng mga pribadong katuwang, tiniyak ng pamahalaan ang suporta para sa pamilyang Pilipino—lalo na para sa mga guro at kabataan.
